Franchise application ng 2 sister company ng NOW Telecom, binitin

Ipinagpaliban ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe ang pag-apruba ng franchise application ng NOW Cable and News and Entertainment Network Corporation (NEWSNET).

Sister company ito ng NOW Telecom na mayroon umanong P2.6 bilyong pagkakautang sa gobyerno dahil sa unpaid supervision and regulation fees (SRF) and penalties.

Sa pagdinig ay binanggit ni Senator Poe na sinisingil umano ng National Telecommunications Commission (NTC) ang NOW Telecom ng mahigit P2.6 bilyong hindi nabayarang SRF at penalties na naipon na mula pa noong 2004.


Sa franchise hearing sa Senado, ay sinabi naman ni NTC Commissioner Atty. Gamaliel Cordoba na nagpalabas ang NTC ng cease and desist order o CDO laban sa NOW Cable na ibinigay sa kanilang opisina sa Pasig pero wala na anyang nag-oopisina doon.

Nagbigay rin ng kopya ng CDO sa corporate secretary ng NOW Cable pero hindi rin daw pumupunta sa opisina kaya’t ipinadala nila sa presidente ng NOW Cable ang CDO pero tumanggi itong tanggapin ang CDO.

Sagot naman ng presidente ng NOW Cable na si Atty. Henry Abes, unang beses nila narinig na may CDO laban sa kanila ang NTC.

Ayon kay Abes, may mga kapareho rin silang kompanya na napaso na ang prangkisa pero walang CDO ang NTC.

Pero paliwanag ni Cordoba, lahat nang napaso ang prangkisa ay inisyuhan ng CDO.

Facebook Comments