Mabilis na inaprubahan sa House Committee on Legislative Franchises ang paggawad ng panibagong prangkisa sa Manila Water at Maynilad.
Sa botong 23 affirmative at 2 negative, pinagtibay ngayong araw sa komite ang House Bill 9313 o franchise ng Manila Water habang sa botong 19 Yes at 2 No naman ay pumasa ang House Bill 9367 o paggawad ng prangkisa ng Maynilad.
Inalmahan naman ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang mabilis na pag-apruba ng prangkisa ng dalawang water companies gayong ngayong araw rin ang unang pagdinig sa franchise ng dalawang kompanya.
Pinuna rin ni Zarate na pinagtibay ang mga franchise bills ng Manila Water at Maynilad sa kabila ng marami pang isyung inilatag ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Corporate Office (MWSS-CO) at hindi pa tapos ang sponsors sa pagtalakay sa amyenda ng mga panukalang batas.
Ipinunto pa ng progresibong mambabatas na hindi man lang naimbitahan sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa Office of the President para sana natalakay ang implikasyon o epekto sa mga consumers ng revised concessionaire agreements sa pagitan ng administrasyong Duterte at ng dalawang water companies.
Ikinumpara ni Zarate ang pagdinig na ito na itinago sa media samantalang ang franchise hearing noon sa ABS-CBN ay bukas sa publiko at idinaan pa sa butas ng karayom.