Nagpatuloy ang bangayan nina San Juan City Mayor Francis Zamora at dating senador Jinggoy Estrada matapos manindigan ang alkalde na ilegal ang mobile palengke ng mga katunggali sa politika.
Noong nakaraang linggo, ipinasara ni Zamora ang mobile palengke na pinaiikot ni dating vice mayor Janella Estrada dahil umano sa kawalan nito ng permit mula sa munisipyo.
Dinipensahan naman ni Jinggoy ang anak at inakusahan ang alkalde sa Facebook live ng pangungumbinsi sa mga tindera na huwag makiisa sa rolling store.
“Kung ilegal ‘yung rolling store ni Janella, sana pinahuli niya. Ilegal na bang tumulong ngayon?” ani dating senador.
Ngunit buwelta ni Zamora, bukod sa walang permit, ay galing din daw sa donasyon ang ibinebenta ng mga Estrada na halos kalahati ang presyo.
Nagbunga rin ito ng protesta mula sa ilang lehitimong vendors ng Agora Public Market na nakakakumpitensya ng mobile palengke.
Samantala, sinabi ni Janella na sarado ang city hall noong tinangka niyang kumuha ng permit para sa negosyo.
Pinabulaanan naman ito ng mayor na nagsabing bukas at patuloy ang operasyon ng skeletal force ng munisipyo.
Hinimok ni Zamora ang mga Estrada na kumuha ng business permit upang maging legal ang operasyon ng kanilang mobile palengke.