Manila, Philippines – Iginiit ni CHED OIC Dr. J. Prospero De Vera na hindi kinunsulta ng Budget Department ang ahensya kaugnay sa inilatag na cash based budgeting system para sa 2019 proposed national budget.
Sa budget hearing ng CHED sa Kamara, sinabi ni De Vera na malaking problema nila ang pagpapatupad ng RA 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education na may P50 Billion budget para sa 2019.
Pero pinoproblema ng ahensya ang paggugol sa budget para sa free college education dahil sa hindi nagtutugma ang fiscal year sa academic year.
Ang fiscal year para sa 2019 ay nagsisimula ng January hanggang December 2019 pero ang academic year para sa 2019 ay magsisimula ng June2019 hanggang April 2020 habang sa ibang paaralan naman ay magsisimula ng August 2019 hanggang June 2020.
Ayon kay De Vera, malaking problema nila ang 2nd semester ng school year dahil hindi na nito sakop ang 2019 fiscal year.
Sinabi pa ni De Vera na hindi pwedeng manghula kung ilan ang enrollees para sa 2nd sem dahil ito ay dadaan pa sa certification at verification.
Dahil dito, pinangangambahan ni De Vera na hindi maire-reimburse ng maraming paaralan ang matrikula para sa 2nd sem sa ilalim ng free college education dahil sa negatibong epekto ng cash-based budget system na kinakailangan magamit sa loob lamang ng taong 2019.
Ang budget ng CHED sa 2019 ay bumaba sa P50.4 Billion mula sa P50.533 Billion ngayong taon.