Manila, Philippines – Nakiusap ang Makabayan Bloc sa Kamara sa Presidente na huwag itong makinig sa mga economic managers kaugnay sa nakatakdang paglagda sana ng Pangulong Duterte sa Universal Access to Tertiary Education Act o ang panukala para sa libreng college education.
Nais ng mga economic managers ni Pangulong Duterte sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno na i-veto ng Presidente ang panukala dahil mangangailangan ito ng 100 bilyong pisong pondo at pati ang mga mayayaman at may-kaya sa buhay ay nakikinabang sa libreng edukasyon sa kolehiyo.
Apela nila Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Anakpawis Rep. Ariel Casilao, ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, at Gabriela Rep. Arlene Brosas na lagdaan na ng Pangulo ang panukala dahil karapatan ng lahat anuman ang antas sa lipunan ang free access sa edukasyon lalo na ang mga mahihirap.
Giit dito ni Castro, nasa 30-36 Billion pesos lamang ang kailangan para sa free college education na kayang-kaya ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Tinio na kung kakayanin ng administrasyon na tustusan ng mahigit 1 Trillion ang build build build program nito ay lalong kaya nitong tustusan ang libreng edukasyon.
Dagdag naman ni Zarate na ang malalaking negosyante lamang ang makikinabang sa BBB program samantalang ang libreng edukasyon ay investment sa kinabukasan ng bansa.