Sa papasok na 19th Congress ay muling ihahain ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang “Free Dialysis for Senior Citizens Act.”
Ang panukala ay nananawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng gamutan para sa mga senior citizen na sumasailalim sa dialysis.
Diin ni Hontiveros, kailangang patuloy na alalayan ang mga senior citizens dahil ramdam pa rin natin ang epekto ng pandemya at ngayon ay may mga panibagong pasanin pa ang ating ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina.
Paliwanag ni Hontiveros, ang mga senior citizens ay kabilang sa mga “most vulnerable” na may Chronic Kidney Disease (CKD) na nangangailangan ng kabuuang 156 sessions ng dialysis para sa isang buong taon ng paggamot.
Ayon kay Hontiveros, Kung wala ang PhilHealth subsidy, magbabayad sila ng humigit-kumulang ₱12,000 kada linggo para sa mga sesyon ng dialysis at karamihan sa kanila ay walang pantustos dito.