Magagamit na ng mga guro at estudyante ng Manggahan Elementary School sa Pasig City ang e-learning centers na makatutulong sa paggawa ng mga module para sa pagbubukas ng klase sa mga public school sa Oktubre 5.
Ang e-learning centers ay proyekto ng E-Skwela Hub ng Frontrow kung saan ang proponent ay si Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong.
Nakapaloob dito ang walong set ng computers na mayroong installed na software, malakas na Wi-Fi connection at mga printer.
Ang pagbubukas ng E-Skwela Hub sa Manggahan Elementary School ay sinaksihan at tinanggap nina Pasig City Mayor Vico Sotto, Dr. Victor Javena at School Principal Dr. Emma Macsiray mula sa Frontrow Chief Executive Officer at Founder Sam Versoza Jr. at Cong. Ronnie Ong.
Ang E-Learning Centers sa Pasig City ay pangatlo na sa mga pinasinayaan matapos ipagkaloob din ang katulad na proyekto sa Baguio City at Brgy. 585 sa Maynila.
Paliwanag ni Cong. Ong, mayroon pang mga lugar na lalagyan nila ng e-learning centers kung saan ito ay sa mga Lalawigan ng Pampanga, Batangas, Surigao at anim na Barangay sa Cebu City.