Manila, Philippines – Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupong FLAG O Free Legal Assistance Group kaugnay ng giyera ng pamahalan kontra iligal na droga.
Partikular na inihain ng grupo sa Supreme Court ang Petition for Writs of Amparo,Injunction and Prohibition, Temporary Protection Order at Temporary Restraining Order.
Sa kanilang petisyon , hiniling ng FLAG ang pag-obliga ng Supreme Court sa PNP na isubmit sa forensic examination ng NBI ang lahat ng mga baril ng mga pulis na ginamit sa mga pagpatay sa anti-drugs operation
Hiniling din nila na italaga ang NBI bilang evidence custodian sa lahat ng mga baril na ginamit sa “nanlaban” cases.
Humirit din sa Korte Suprema ang FLAG na obligahin ang PNP-IAS at NAPOLCOM na magsumite ng buwanang report sa High Tribunal ng status ng imbestigasyon sa “nanlaban” cases, pangalan ng mga sangkot na pulis, gayundin ang serial numbers at descriptions ng mga baril na ginamit.
Naniniwala rin ang grupo na ang kaso ng pagpatay kina Ryan Dave Almora, Rex Aparri gayundin ang pamamaril kay Jefferson Soriano ay sakop ng Rule ng Writ of Amparo.
Bunga nito, dapat din aniyang atasan ang NBI na magsagawa ng impartial investigation,forensic examination at safekeeping sa mga baril na ginamit sa nasabing mga insidente at isumite ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa korte o alin mang designated court.
Ayon kay FLAG chairman Atty. Jose Manuel Diokno, naniniwala sila na ang mahinang justice system ang dahilan ng paglaganap ng iligal na droga sa bansa.