Pormal na pasisinayaan ngayon ng Zambales Provincial Government sa pangunguna ni Governor Hermogenes Ebdane Jr., ang proyektong Free WiFi For All.
Panauhing pandangal sa naturang pasinaya si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gringo Honasan.
Enero ng kasalukuyang taon nang pinirmahan ng gobernador ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Zambales Provincial Government at DICT para sa layong mapalakas ang internet connectivity ng lalawigan at makapagbigay ng free internet access points.
Unang sinimulan ito sa activation ng mga Free WiFi for All access point sa mga public hospital at public school sa buong Zambales.
Kabilang sa mga ospital at quarantine facilities na nakabitan ng free WiFi access ay ang Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital, Masinloc Isolation Facility, San Marcelino District Hospital, at Candelaria District Hospital.
Ang Kolehiyo ng Subic ay nalagyan din ng apat na internet access points.
Ayon sa DICT, ang Zambales ay kabilang sa mga lugar sa bansa na maraming “unserved o underserved” internet users kaya’t minarapat ni Governor Ebdane at Sec. Honasan na maisakatuparan ang naturang proyekto.
As of August 19, 2020 ay nakapagtayo na ng 4,758 access points sa buong bansa ang DICT kung saan ang 12 operational sites ay nasa lalawigan ng Zambales.