Ilagan City, Isabela – Inilunsad kaninang umaga, ika dalawampu’t apat ng Abril taong kasalukuyan ang Freedom of Information Roadshow na ginanap sa Ilagan City Hotel kaugnay sa ipinalabas na Executive Order no. 2 ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa Freedom of Information.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay binibining Kate Refendor, Creative Communications Officer ng Office of the Assistant Secretary for Policy and Legislative Affairs ng PCOO, ito ay isa sa proyekto ng Malacaṅang kung saan ito ay isang mekanismo ng ahensya ng gobyerno upang makahingi ang publiko ng kahit anong dokumento na hinahawakan ng gobyerno.
Aniya, mayroon umanong dalawang paraan ng pagkuha ng impormasyon gaya ng standard request mode na pwedeng mag walk-in sa kahit anong ahensya ng gobyerno at ang tinatawag na portal kung saan ay pwede umanong magrequest online sa pamamagitan ng kanilang website na www.foi.gov.ph
Ayon pa kay binibining Refendor, Kung hindi man umano maibigay ng ahensya ng gobyerno ang mga request ng mamamayan ay mayroon umanong labing lima hanggang tatlumpu’t limang araw na extension ang bawat ahensya upang maproseso at maibigay ang mga hinihinging dokumento subalit kung hindi pa rin umano ito naibigay ay pwedeng masuspendio mapatalsik ang empleyado sa opisina.
Dagdag pa niya, Dahil sa Executive Order pa lamang ito ay Sakop lamang nito ang lahat ng national government agencies, POCCs, SUC’s at local water district samantalang hinikayat pa lamang umano nila ang lahat LGU’s upang magpasa ng Ordinansa na kopya mula sa FOI Executive Order.