Manila, Philippines – Hindi ikinatuwa ng ilang mga kongresista ang maagang paglilinis ng mga senador sa pangalan ni Special Assistant to the President Bong Go kaugnay sa kontrobersyal na Frigate Acquisition Project.
Hiniling ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano na mas laliman ang imbestigasyon sa tunay na papel ni Go sa proyekto.
Nanindigan si Alejano na base sa hawak niyang impormasyon, lumalabas sa mga official communication at iba pang dokumento na talagang nanghimasok dito si Go.
Palaisipan anya kung bakit ang usaping ito ay humatak ng atensiyon ni Go gayong libo-libong complaints ang natatanggap ng opisina nito sa Malakanyang.
Dagdag pa ng kongresista, nararapat na masagot din kung sino ang nagbigay ng otorisasyon sa Hyundai Heavy Industries na magdesisyon kung anong combat management system ang gagamitin sa frigate na order ng Navy.