San Fernando, La Union – Tiniyak ngayon ng Commission on Higher Education Regional Office 1 na nakikinabang na sa full implementation ng Republic Act 10931 o mas kilala bilang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang lahat ng mga estudyanteng naka-enroll sa mga State Universities & Colleges (SUCs) maging ang mga nasa Local Universities & Colleges (LUCs) sa rehiyon uno.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Mr. Danilo Bose, ang Supervising Program Specialist ng Commission on Higher Education Regional Office 1, inihayag nito na 100% na napapakinabangan ng mga estudyante mula sa SUCs at LUCs sa rehiyon ang nasabing benepisyo na hatid ng RA 10931. Pangunahing layunin umano nito na matulungang makapagtapos ang mga estudyante lalo ang mga kapos sa buhay upang makapag-produce ang bansa ng mas marami pang professionals.
Samantala nasa humigit kumulang 10,000 na mga estudyante sa rehiyon ang nakakuha na ng financial assistance mula sa Tertiary Education Subsidy. Dagdag pa ng CHED na tuloy tuloy parin ang mga implementasyon ng iba pang programa ng komisyon para sa mga estudyante tulad ng study now, pay later plan at student financial assistance program.