Full scholarship at return of service ng mga medical student, lusot na sa Kamara

64

Aprubado na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magbibigay ng full scholarships sa mga nais maging medical student at pagsasailalim sa mga ito sa return service program.


Sa botong 245 na Yes at wala namang pagtutol ay nakalusot sa huling pagbasa ang House Bill 6756.

Sa oras na maging ganap na batas ay isang medical scholar sa bawat munisipalidad o lugar ang tatanggapin na mula sa State Universities and Colleges (SUCs) o Private Higher Education Institutions (PHEIs) na walang iniaalok na medical course.

Kabilang sa assistance na ibibigay sa mga medical student ay libreng matrikula at iba pang bayarin, gayundin ang allowances para sa libro, supplies, equipment, clothing, dormitory at transportation.

Sasagutin din ang kanilang internship fees, medical board review fees at annual medical insurance.

Ang isang 4-year medical course graduate ay kailangan munang maglaan ng apat hanggang anim na taon na mandatory return service habang pitong taon naman na serbisyo sa bansa para sa mga kumuha ng limang taon na programa.

Maaaring bawiin sa estudyante ang scholarship at ibang benepisyo kapag tumanggap pa ito ng ibang scholarship at bumagsak sa hinihinging academic requirements.




Facebook Comments