Furlough petition ni Senador de Lima, hindi haharangin ni Pangulong Duterte

Hindi tututulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghingi ng furlough ni Senador Leila de Lima para bisitahin ang kanyang ina na may sakit.

Hiniling kasi ng kampo ng senadora na pansamantalang makalaya si de Lima upang mabisita nito ang kanyang ina na si Norma Magistrado de Lima na nasa Iriga City, Camarines Sur na malapit na umanong pumanaw dahil sa malubhang karamdaman.

Ayon kay Senator Bong Go, walang nakikitang problema si Pangulong Duterte sa hiling ni Senador de Lima sa korte kaya hindi ito haharangin ng Pangulo.


Una nang inihayag ng Office of the Solicitor General na hindi rin nila haharangin ang hiling ni de Lima sa korte dahil sa humanitarian reason.

Wala pa namang desisyon ang muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 sa hiling na furlough ni de Lima na may kinakaharap na kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Facebook Comments