Para raw matapos na ang isyu ng “dual allegiance,” hiniling ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta kay ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III na i-recite ang Panatang Makabayan .
Sa pagdinig ng Kongreso nitong Lunes ukol sa renewal ng prangkisa ng istasyon, muling inusisa ng ilang kongresista ang pagkakaroon ni Lopez ng dual citizenship, bilang isang Pilipino at Amerikano.
Nagpahaging din si Marcoleta kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na baka gusto tulungan ng una ang ABS-CBN executive.
Tila hindi nagustuhan ni Zarate ang banat ng kapwa-mambabatas kaya nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap ng dalawa. Dahil dito, natigil ng halos ilang minuto ang pagdinig.
Pero sa gitna ng girian, mariring naman sI Lopez na binibigkas ang linyang “Iniibig ko ang Pilipinas.”
Subalit hindi kumbinsido si Marcoleta sa ginawa ni Lopez at tahasang sinabi na tinuruan lamang ito ng kaniyang abogado.
“I’d like to make of record, nung tinanong ko po yung unang linya ng Panatang Makabayan… yun pong abogado ang nagbulong sa kanya,” anang kongresista.
https://www.youtube.com/watch?v=GUR9mvV-yC8
Nakasaad sa saligang batas na dapat Pilipino lamang ang nagmamay-ari ng mga mass media company dito.
Sa pananaw naman mga representante ng Department of Justice (DOJ) at Securities and Exchanges Commission (SEC), puwedeng magmay-ari ng mass media outlet ang isang dual citizen katulad na lamang ng pagkakaroon ng ibang properties na limitado sa mga Pinoy.