Manila, Philippines – Dismayado ang grupong Gabriela sa madalas na ginagamit na katwiran ng gobyerno na kakulangan ng supply ng bigas at mababang presyo nito upang magkaroon ng dahilan para mag-angkat ng bigas sa ibang bansa.
Ayon kay Gabriela Secretary General Joms Salvador ang walang pakundangang pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa ay nagreresulta umano tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na lubhang pinangangambahan ng mga mamimili dahil pahirap lamang umano ito sa taong bayan.
Mungkahi ng grupong Gabriela kay Pangulong Duterte para matamo ang tunay na pag-unlad ng bansa, kinakailangan umanong humiwalay o dumistansiya ang gobyerno mula patakaran o polisiya ng Neoliberal sa liberalisasyon sa agrikultura kung saan sinusuportahan ng grupo ang panukalang Rice Industry Development Act na muling isinampa ng grupong Anakpawis Partylist sa Kamara.
Giit ni Salvador, babantayan nila ang lahat ng mga polisiya ng Pangulo tungkol sa agrikultura kung saan susuportahan naman nila kung sa tingin ng kanilang grupo ay pakikinabangan ng mga maliliit na magsasaka ang mga programa ng Pangulo.