Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) sa ikonsidera ang pagbibigay ng gadgets sa mga estudyante.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, iginiit ni Robredo na pahirapan ang paghahatid ng learning modules dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
Mas mainam na gadgets na lamang aniya ang ipamahagi sa mga estudyante dahil maituturing itong sustainable tool para sa distance learning.
Mas makabubuti rin na gadgets ang ibigay sa mga estuydyante sa halip na araw-araw nag-iimprenta ng modules.
Dagdag pa ni Robredo, makatitipid ang DepEd dahil malilimitahan ang kanilang paggastos sa pag-imprenta at ito ay environment friendly.
Binanggit din ni Robredo na may ilang guro ang hindi pa tapos sa pag-iimprenta ng learning modules.
“Ang problema ng modular, sobrang pagod sa teachers. Hindi lang sobrang pagod, sobrang magastos kasi ang dami mong ipi-print. Dadalhin mo sa mga bahay ng estudyante tapos magpi-pick-up, ikaw,” sabi ni Robredo.
Ang Office of the Vice President (OVP) ay nakipag-partner sa isang private sector, kung saan nasa 220 libreng tablet ang ipinamahagi sa mga estudyante mula sa iba’t ibang public schools.