Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments o CA hearing ay tumangging magsalita ukol sa West Philippine Sea (WPS) si Commodore Antonio Palces na siyang Deputy Chief of Staff for Education, Training and Doctrines ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa CA hearing ay tinanong ni Senator Risa Hontiveros si Palces kung mayroon silang bagong set ng rules of engagement bilang tugon sa bagong batas ng China na nagpapahintulot sa kanilang coast guard na barilin ang mga papasok na foreign vessel sa inaangkin nilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Palces, hindi siya otorisado na magsalita sa naturang isyu.
Sabi ni Palces, bago siya dumalo sa CA hearing ay ipinaalala sa kanya ni AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging pinapayagang magsalita ukol sa West Philippine Sea ay sina Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin at Presidential Spokesperson Harry Roque.
Samantala, isa naman si Palces sa 50 senior officers na inaprubahan ng Commission on Appointments ang pag-akyat ng ranggo.