Humingi ng paumanhin si Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa mga Local Government Unit (LGU) na kaunti lang ang natanggap na COVID-19 vaccine.
Ito ay matapos idaing ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang kakulangan ng bakuna sa ilang lugar na may mataas na COVID-19 cases, kasama na ang kanilang lungsod.
Ayon kay Galvez, dadagdagan nila ang bakunang ipadadala sa mga lugar na tumataas ang kaso ng COVID-19, kabilang ang ilang lugar sa Mindanao.
Aniya, sa higit 12.7 milyong COVID-19 vaccine doses na dumating sa Pilipinas, nasa halos 2 milyon o higit 15% ang napunta sa Mindanao hanggang noong Martes, June 15.
Sa huling tala ng National Task Force Against COVID-19, umabot na sa 1.8 milyon ang nakatanggap ng ikalawang dose ng bakuna habang higit 5 milyon ang naturukan ng unang dose.