Hindi umano hahayaan ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na magkaroon ng anomalya sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 vaccines.
Ito ang kaniyang tiniyak kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ayon kay Lacson, matapos ang naging pulong nila ng Vaccine Czar ay sinabi sa kaniya ni Galvez na hindi siya papayag na mabahiran ng korapsyon ang pagbili ng bakuna at naniniwala naman siya sa sinseridad ng opisyal.
Kasunod nito, humingi na rin ng paumanhin si Galvez kay Lacson matapos itong idawit sa umano’y pamumulitika sa isyu ng pagbili ng gobyerno ng bakuna.
Nilinaw rin ni Galvez kay Lacson na hindi siya magwo-walkout sa gaganaping pagdinig bukas sa Senado dahil nirerespeto raw niya ang oversight function nito para mabigyang linaw ang ginagawang negosasyon ng pamahalaan.
Matatandaang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Galvez at Health Secretary Francisco Duque III na mag-walkout sa pagdinig sakaling maging “verbally abusive” ang pagtatanong sa kanila ng mga senador.