Game revenue ng PCSO, bumaba ngayong taon; P6.9 billion, target na malikom bago matapos ang 2020

Bumagsak ngayong 2020 ang game revenue ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bunsod pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Mula kalagitnaan ng Marso hanggang kalagitnaan ng Hulyo ay pansamantalang sinuspinde ang gaming operations bilang pagsunod sa community quarantine.

Sa presentasyon para sa 2021 national budget, umabot lamang sa P9.3 billion ang kinita ng PCSO sa Lotto, Small Town Lottery, Keno, Sweepstakes, at Peryahan games.


Malayo ito sa P63 billion noong 2018 at P44 billion noong 2019 na kinita sa mga PCSO games.

Tinatayang aabot naman sa P19.5 billion ang naluging halaga na sa ahensya.

Bumaba rin sa P2.75 billion ang buwis na na-i-remit ng PCSO sa gobyerno mula Enero hanggang Hulyo kumpara sa P16.9 billion noong 2018 at P13.5 billion noong 2019.

Mula naman nang magbukas ulit ang gaming operations nitong Hulyo hanggang Agosto ay umaabot pa lang sa P522 million ang nalikom na kita ng PCSO.

Umaasa naman ang PCSO na maitataas pa nila sa P6.9 billion ang kita sa mga games sa mga natitirang buwan ngayong taon.

Facebook Comments