Inabisuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko partikular ang mga indibidwal na lumusong sa baha bunsod ng Bagyong Ulysses na maaari silang makakuha ng libreng gamot para sa leptospirosis at tetanus.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, inabisuhan niya ang mga indibidwal na naglakad sa tubig baha na magtungo sa malapit na health centers para mabigyan ng libreng prophylaxis para sa leptospirosis.
Bukod dito, ang ilan naman na naglakad sa baha na mayroong mga sugat ay kinakailangan rin na magpunta sa health centers para mabigyan ng anti-tetanus at gamot sa leptospirosis lalo na’t ang sakit na ito ay nakakamatay.
Iginiit pa ni Vergeire na kinakailangan mabigyan ng prophylaxis sa loob ng 24 hanggang 48 hours ang isang indibidwal na lumusong sa baha at huwag na mag-alala dahil ang lahat ng ito ay libre makukuha sa mga health centers.
Samantala, sinabi pa ni Vergeire na bibigyan nila ng supply ng face mask ang lahat ng mga papasok sa evacuation center dahil ang mga nabasa ng mga surgical o cloth mask ay kinakailangan nang mapalitan at magsuot ng bago para maiwasan ang COVID-19.
Bukod dito, nanawagan sila sa mga evacuees at lokal na opisyal na paigtingin pa rin ang minimum health protocols upang maiwasan ang mga sakit at maiwasan rin na magkahawaan ng COVID-19 sa loob ng evacuation centers.