Umaasa si Senator JV Ejercito na ngayong mayroon nang kalihim ang Department of Health (DOH) sa katauhan ni Secretary Teodoro Herbosa ay mabibigyang prayoridad na ang ganap na implementasyon ng Universal Health Care Law.
Ayon kay Ejercito, nang dahil sa COVID-19 pandemic ay mas naging lantad at nakita ang kahinaan ng ating public health system.
Binigyang-diin pa ng senador na makikita ang urgency ng health situation ng bansa sa pagsasama ni Pangulong Bongbong Marcos ng ilang health-related bills sa kanyang legislative priorities.
Kasama na rito ang pagtatayo ng regional specialty centers sa mga DOH-supervised hospitals sa buong bansa at ang adjustments ng PhilHealth contribution rates sa ilalim ng UHC Law.
Dagdag pa ng mambabatas na kailangan ng suporta ng DOH sa pagsusulong ng mga legislative measures para sa maayos na kalusugan ng mamamayan.