Manila, Philippines – Pinaratangan ni Akbayan Rep. Tom Villarin si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam na ganid sa kapangyarihan.
Ito ay bunsod na rin ng pagbubulgar ni Cam ng umano’y magarbong Christmas Party ng PCSO.
Ayon kay Villarin, ang gulo sa PCSO ay nag-ugat sa kagustuhan na pamunuan ang ahensya.
Aniya, sa halip na tingnan ang appointment ng mga nasa gobyerno tulad ni Cam na isang pribilehiyo para maglingkod sa bayan ay tinitingnan nila itong isang karapatan kung saan kaakibat nito ay ang kanilang personal na interes.
Batid naman aniya ng lahat na matagal nang gusto ni Cam na maging PCSO Chair at inihayag niya rin ito noon matapos na matalo sa pagka-senador noong nakaraang halalan sa ilalim ng ticket ng PDP-Laban.
Dahil dito kaya pangit ang imahe at ayaw pagkatiwalaan ng publiko si Cam.
Patunay lamang din ng pagkakatalaga kay Cam sa PCSO ang reward system at pagkakaroon ng patronage politics sa ilalim ng Duterte administration kaya asahan na magiging malala ang mga mangyayari sa mga susunod pang panahon.