Nilinaw ng pamunuan ng Gardenia na mga luma at patapong tinapay ang nakita sa bidyo na binubuksan at kinukuha ng kanilang trabahador at hindi mga bagong stock na ititinda pa lamang.
Pahayag ng kompanya nitong Biyernes, maituturing na “isolated case” ang naturang pangyayari.
“The slices he took were from pulled out loaves from stores which will be returned to the plant for disposal, NOT from fresh stocks for delivery to stores. As part of our freshness policy, Gardenia pulls out unsold breads from stores and replaces these with fresh stocks every day of delivery,” giit ng Gardenia Philippines.
Gayunpaman, muli silang humingi ng paumahin sa publiko sa ginawa ng kanilang tauhan.
Pagtitiyak ng kilalang bread manufacturer, mananatiling malinis at may kalidad ang mga produktong binebenta nila sa merkado.
(BASAHIN: ‘Bawas tinapay’ modus ng isang delivery boy, naaktuhan)
Matatandaang pinag-usapan sa social media ang bidyo ng delivery boy na binabawasan ang bawat balot ng tinapay.
Matapos kainin, ikakabit niya ulit ang clip at saka ibabalik sa tray na nakasalansan pa sa delivery truck.
Hindi naiwasan ng ilang netizens na mabahala dahil maliban sa kulang ito, may tsansang nadumihan na ang mga tinapay.