
Tiniyak ng Malacañang na tuloy-tuloy ang suplay ng gasolina para sa ambulansya, fire truck, at police vehicle kahit ipinatutupad ang pagtitipid sa enerhiya sa gobyerno.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, hindi puwedeng tipirin ang serbisyong nakataya ang buhay at kaligtasan ng publiko, kung kaya’t mananatiling normal ang operasyon ng mga ito sa anumang sitwasyon.
Sa halip, sa ibang sasakyan ng gobyerno ipatutupad ang bawas-gasolina upang masigurong may sapat na suplay para sa emergency response.
Target namang magbawas ng hanggang 20% sa konsumo ng enerhiya ang mga support at auxiliary offices ng iba’t ibang ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paliwanag ng Malacañang, layunin ng hakbang na ito na protektahan ang mahahalagang serbisyo habang hinaharap ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.










