Gastos ng mga magsasaka sa pag-transport ng kanilang produkto, inaasahang mababawasan dahil sa mga itinatayong pantalan sa Mindanao

Inaasahang mababawasan ang gastos ng mga magsasaka sa pagta-transport ng kanilang mga produkto dahil sa mga itinatayong pantalan sa Mindanao.

Sa pamamahagi ng presidential assistance sa Digos City, Davao del Sur, sinabi ng Pangulo na bukod sa mga farm-to-market road ay may mga ginagawa na ang Tubalan at Poblacion port sa Malita; Balut Mabila port sa Balut island sa Sarangani; at Balangunan port sa Jose Abad Santos.

Ayon sa Pangulo, pursigido ang pamahalaan na matulungan ang mga magsasaka sa bahaging Mindanao na mapababa ang gastusin sa pagbiyahe ng kanilang mga produkto patungo sa pamilihan.


Malaki aniya ang ginagastos ng mga magsasaka sa transport cost dahil sa masalimuot na pagbiyahe ng mga produkto.

Kaya madalas, hindi pa man nakararating sa merkado ay ubos na aniya ang kita ng mga magsasaka.

Sa ilalim aniya ng mga proyekto ay mawawala na ang mga middleman at direkta nang makararating ang kita sa mga magsasaka.

Umaasa si Pangulong Marcos na magiging mas mabilis at episyente ang pagdaloy ng mga produkto mula sa bukid patungo sa merkado, na magbibigay ng mas magandang kita para sa mga magsasaka sa Mindanao.

Facebook Comments