
Kung si Senator Sherwin Gatchalian ang tatanungin, mas mainam na bawasan na lang ang gastos sa ASEAN Summit kung saan host ang Pilipinas.
Naunang inirekomenda ni Finance Secretary Gary Teves na i-postpone na muna ang nakatakdang ASEAN Summit ngayong taon para makatipid ang gobyerno ng P17 billion at ilipat ang nasabing pondo sa mga programa na tutugon sa inflation at iba pang economic pressures.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, hindi siya sang-ayon na ipagpaliban ang ASEAN Summit dahil maraming mga mahahalagang paksa ang pag-uusapan.
Kabilang na aniya rito ang isyu sa West Philippine Sea, energy security, at posibleng matalakay rin ng mga bansa sa ASEAN ang pagtutulungan para sa pagkakaroon ng reserba sa petrolyo na makakatulong sa kinakaharap ngayong krisis ng maraming bansa.
Sa halip na ipagpaliban ang ASEAN Summit, iminungkahi ni Gatchalian na bawasan na lamang ang gastusin sa pamamagitan ng pagbawas sa activities at gawing simple ang gagawing ASEAN conferences.
Sa tingin pa ng mambabatas ay may maibubunga naman ang gaganaping ASEAN Summit sa bansa dahil hindi lang naman ito pagpapalawak ng transaksyon sa pagitan ng mga bansa sa ASEAN kundi kasama rin dito ang mga bansang Japan, South Korea, US at China.










