Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na aabot sa hanggang 24 billion pesos ang kakailanganin para sa isinusulong na hybrid elections para sa 2022.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, magkakaroon ng karagdagang gastos para sa mga bagong Vote Counting Machines (VCMs) at iba pang equipment kung matutuloy ang hybrid elections.
Sinabi pa ni Casquejo, na naipresinta na nila sa Department of Budget and Management (DBM) ang budget para pambili ng mga bagong VCM kasama ang ilang mga gagamitin sa 2022 elections.
Nabatid na sa ilalim ng hybrid elections concept, ang pagbibilang ng boto ay katulad din sa mga nakararaang automated elections ngunit gagamitin ang lotto-type markings.
Ihuhulog ito sa balota at VCM naman ang maglalabas ng receipt na may barcode.
Sa oras na matapos ang botohan, maglalagay ang electoral board ng monitor at projector sa mga clustered precinct para masaksihan ng publiko ang bilangan.
Dagdag naman ni Casquejo, hindi pa nagbibigay ng feedback ang DBM kung mailalaan ang P24 bilyong budget para sa hybrid elections kung saan sakaling gamitin daw ang mga VCM noong 2019, kinakailangan muli itong i-recondition, ayusin at i-enhance ang mga software.