Kinumpirma ni Labor Sec. Silvestre Bello III na dumoble ang gastusin ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na stranded sa Metro Manila dahil sa pagka-antala ng COVID-19 testing.
Ito ay matapos na itigil ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagsasagawa ng COVID-19 testing sa mga umuuwing OFWs matapos na mabigo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na mabayaran ang malaking pagkakautang nito.
Umaasa naman si Bello na tuluyan nang maaayos ngayong linggo ang nasabing problema matapos mangako ang Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran na ng PhilHealth ang Philippine Red Cross.
Sa ngayon, 6,000 repatriated OFWs ang stranded sa mahigit 120 hotels sa Metro Manila dahil sa pagka-antala ng kanilang COVID-19 test.