PDEA, pinaiimbestigahan na ang mga tauhan na dawit sa pekeng buy-bust

Pinaiimbestigahan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang mga tauhan nito na umano’y nagpatupad ng gawa-gawang buy-bust operation sa Dumaguete City.

Ito’y matapos na lumabas sa desisyon ni Presiding Judge Amelia Lourdes Mendoza ng Dumaguete Regional Trial Court Branch 34 na sapilitang dinampot at hindi bunga ng buy-bust operation ang pagka-aresto ng limang katao noong June 28.

Binigyan ng korte ng kopya ng desisyon ang PDEA para sa kaukulang aksyon.


Bilang tugon, inatasan ni Villanueva ang Intelligence and Investigation Service at ang Internal Affairs Service ng PDEA na magsagawa ng parallel investigation upang makita kung dapat kasuhan ng administratibo ang mga PDEA agents.

Ani Villanueva, hindi nila kukunsintihin ang anumang illegal na aktibidad ng kanilang mga tauhan.

Facebook Comments