
Nai-turnover na ng Department of Science and Technology (DOST) ang gawang-Pilipinas na Controller Operated Battle Ready Armament (COBRA) automated weapon system sa Department of National Defense (DND).
Ang COBRA system na binuo ng DOST-Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) ay idinisenyo para sa .50-caliber weapons at maaaring gamitin sa iba’t ibang sasakyang pandigma.
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isa itong malinaw na hakbang tungo sa mas matatag na pambansang depensa.
Ipinapakita umano nito na kaya ng bansa na lumikha ng sariling kakayahan at hindi lamang umasa sa inaangkat na teknolohiya.
Patunay aniya ito na ang siyensiya at talento ng Pilipino ay may mahalagang ambag sa pambansang seguridad, lalo na sa tuloy-tuloy na pagsisikap ng DOST, DND, at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang kakayahan ng bansa.









