GCQ Bubble, Ipinatupad na sa Cauayan City

Cauayan City, Isabela- Epektibo na simula ngayong araw, April 26, 2021 ang pagsasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) Bubble set up sa Lungsod ng Cauayan.

Sa Executive Order no. 40-2021 na inilabas at nilagdaan ni City Mayor Bernard Dy, nagsimula na kaninang alas 12:00 ng hating gabi hanggang sa ika-2 ng Mayo ang pagpapatupad ng Bubble set up sa Lungsod bunsod na rin ng lumalalang kaso ng COVID-19.

Kaugnay nito, lalo pang hinigpitan ang pagpapatupad sa mimimum public health standards gaya ng pagsusuot ng facemask, face shield, pagpapanatili ng social distancing at proper sanitation.


Sa ilalim din ng GCQ Bubble, papayagan lamang ang mga may mahahalagang lakad o transaksyon at mga nagtatrabaho sa mga stablisyimento na pinayagang mag-operate sa ilalim ng GCQ.

Ang mga hindi residente ng Lungsod ng Cauayan, mapa LSIs na galing sa ibang probinsya, returning overseas Filipino (ROF) at mga galing sa mga high risk area na lugar ay dadaan muna sa triage sa Isabela State University-Cauayan Campus.

Ipatutupad ang 24 oras na number coding scheme para sa lahat ng uri ng sasakyan maliban sa sakay ng mga frontliners, health workers, empleyado ng mga exempted na stablisyimento, food deliveries, cargo trucks ng mga pagkain, palay, gamot, at iba pang agricultural products na dadaan sa Lungsod.

Mahigpit din na ipatutupad ang liquor ban sa lahat ng hotel, resorts, restaurants, at iba pang stablisyimento na nagtitinda ng nakalalasing na inumin.

Mananatili pa rin ang curfew hour sa lahat ng mga nasa edad 18 pababa at 60 pataas sa lungsod mula alas 9:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga habang exempted rito ang mga barangay workers, mga nagtatrabaho sa ospital, pulis, bumbero, at mga maituturing na Authorized Persons Outside Residence o APOR.

Mahigpit din na ipagbabawal ang mass gathering subalit pinapayagan lamang ang 10 katao sa isang okasyon o lamay.

Pansamantala munang hindi papayagan ang dine-in sa mga kainan o restaurants.

Ang mga bangko ay pinapayagan lamang na magbukas mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon habang ang ibang pinapayagang establisyimento ay hanggang alas 7:00 ng gabi.

Ang mga nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong opisina ay kinakailangan din magpatupad ng skeleton operation upang maiwasan ang exposure sa maraming tao.

Dagdag dito, mamanduhan muli ng kapulisan at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan ang limang entry checkpoints sa Lungsod na matatagpuan partikular sa Brgy. Alinam, San Fermin, Tagaran, Alicaocao, at District III.

Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office, pumalo na sa 407 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod.

Facebook Comments