Isinasapinal na ng Metro Manila mayors ang kanilang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa magiging quarantine status sa National Capital Region (NCR).
Sa interview ng RMN Manila kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, sinabi nito na bagama’t wala pang pinal na rekomendasyon ang Metro Manila Council (MMC), karamihan sa mga alkalde ay nais nang ibaba sa General Community Quarantine (GCQ) mula sa Modified Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang status sa NCR.
Ayon kay Teodoro, bagama’t kanilang susundin ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas magandang magkaroon na lang ng isang calibrated na GCQ para mabuksan na rin ang ibang industriya.
Kaugnay nito, inihayag sa interview ng RMN Manila ni Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez na may posibilidad na ibaba na nga sa GCQ ang quarantine status sa NCR Plus lalo na’t mas maganda na ang kalagayan ng bansa.
Mamayang gabi ay inaasahang magkakaroon ng public address si Pangulong Duterte matapos ang pagpupulong nito sa IATF kaugnay sa susunod ng magiging community quarantine classification sa NCR at ibang bahagi ng bansa.