GCTA na naging batayan ng korte para maagang mapalaya si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, ipapasilip ni Presidential Spokesman Harry Roque

Kinondena ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pagpapalaya ng korte kay Us Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, ang pumaslang sa Pinay transgender na si Jennifer Laude noong 2014.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Roque na masama ang loob ng pamilya Laude sa maagang pagpapalaya sa pumatay sa kanilang mahal sa buhay.

Bilang dating abugado ng pamilya Laude, sinabi ni Roque na ang parusang ibinigay kay Pemberto ay parang parusa sa pumatay ng isang aso, kahit karumal-dumal ang ginawa ng US marine sa Pinay transwomen.


Bunsod nito, nais ipabusisi ni Roque ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) na naging batayan ng korte para mapalaya ng maaga si Pemberton, lalo na’t may impormasyon silang nakakalabas ito ng kanyang kulungan.

Batay sa desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court’s Branch 74, kwalipikado si Pemberton sa GCTA dahil sa pagsunod sa mga regulasyong pinaiiral ng Bureau of Corrections para sa magandang asal ng isang bilanggo.

Bukod pa rito ang pagbabayad sa moral at civil damages sa pamilya ng biktima ng 4.2 million pesos.

Si Pemberton ay hinatulan ng sampung taong pagkakalulong, pero dahil sa GCTA, sinabi ng korte na sapat na ang mahigit limang taong pagbuno nito ng parusa para siya ay mapalaya.

Facebook Comments