GDP ng Bansa, Bumaba ng 9.5% ayon sa NEDA region 2

Cauayan City, Isabela- Bumaba ng 9.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa usapin ng PESO value, ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) region 2.

Ayon kay Assistant Regional Director Ferdinand Tumaliuan, nahuhuli na ang Pilipinas sa usapin ng ekonomiya kung ikukumpara sa mga katabing bansa kung kaya’t kinakailangan umanong mabalanse ang sektor ng ekonomiya at pangkalusugan.

Base sa inisyal na dayalogo ng ilang ahensya ng gobyerno, kinakailangang buksan ng paunti-unti ang ekonomiya kaakibat nito ang pagsunod pa rin sa minimum health standard.


Samantala, ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI) na marami pa rin ang kabilang sa Micro, small and medium enterprises (MSMEs) na hirap pa rin sa nararanasang pandemya kung kaya’t bilang tulong ay tuloy-tuloy na namimigay ng starter kit at pagbabahagi ng libreng seminar ang ahensya para sa mga maliliit na negosyante.

Bahagi ng seminar-workshop ng ahensya ang buhayin ang mga negosyong matagal na nahinto dahil sa kinakaharap na banta ng pandemya.

May ilan din namang mga negosyante ang hindi nagpatinag sa pandemya dahil ginamit ang digital na pamamaraan upang maipagpatuloy ang negosyo gaya ng social media.

Facebook Comments