Pinasalamatan ni PMGen. Valeriano de Leon, PNP Director for Operations ang lahat ng pulis na tumiyak sa seguridad ng inagurasyon kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Gen. De Leon, dahil sa sakripisyo at dedikasyon ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) naging generally peaceful ang makasaysayang okasyon.
Samantala, nagpapasalamat din si De Leon sa mga sundalo, mga personnel ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DOH) at ibang pang force multipliers dahil naging matagumpay ang inagurasyon ng bagong pangulo.
Lubos din ang pasasalamat nito sa mga nagkilos protesta dahil hindi naging marahas ang kanilang pagwewelga at naging organisado.
Panghuli, nagpapasalamat din ang opisyal sa lahat dahil sa kanilang pakikiisa at kooperasyon sa mga otoridad.
Nabatid na nasa higit 15,000 policemen, sundalo at iba pang law enforcement ng national at local government ang idineploy kahapon para magbigay seguridad sa inagurasyon ni PBBM.