Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang bayan ng Roxas sa Isabela sa loob ng 14-araw o hanggang March 27 dahil sa dumaraming kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Ito ay batay sa executive order no. 2 na may lagda ni Mayor Jonathan Jose Calderon.
Dahil dito, ilang barangay na rin ang nakapasailalim sa Granular Local Zoning Containment (GLZC).
Nakasaad sa kautusan na maaari lang lumabas ng bahay ang residente kung bibili ng essential goods at mga gagawing importanteng transaksyon.
Bukod pa dito, pinalawig rin ng isa pang linggo ang umiiral na lockdown sa Roxas Public Market habang alas-4:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon naman ang magiging operational hours ng mga essentials stalls kasabay ng gagawing disinfection.
Pansamantala namang sinuspinde ang lahat ng uri ng Mass Gathering gaya ng kasal, binyag, birthday, reunion maging ang religious services at conferences.
Iiral naman ang curfew hours pagpatak ng alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 kinabukasan maliban sa mga frontliners at health workers habang ipinatupad na rin ang Liquor Ban.
Sa ngayon ay naa higit 100 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa naturang bayan.