Gentleman’s agreement sa pagitan ni dating PRRD at ng China, paiimbestigahan ng Senado

Pinapaimbestigahan ng Senado ang sinasabing “gentleman’s agreement” sa pagitan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte at ng China partikular sa Ayungin Shoal.

Sa Senate Resolution 982 na inihain ni Senator Risa Hontiveros, ipinasisiyasat sa angkop na komite ng Senado ang “gentleman’s agreement” na kinasangkutan ni dating Pangulong Duterte at ng Chinese government na naging dahilan para higpitan o ipagbawal ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Nakasaad sa resolusyon ang pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque kung saan tinanggap ni dating PRRD ang ‘gentleman’s agreement’ na ililimita lamang sa pagkain at tubig ang suplay na ihahatid sa BRP Sierra Madre.


Giit ni Hontiveros, ang kasunduang ito ay pagtataksil sa bansa at nagbigay lamang ito ng bala sa Beijing para atakihin ang ating resupply missions sa Ayungin Shoal at igiit ang kanilang mga walang basehang claims sa West Philippine Sea.

Dagdag ni Hontiveros, tungkulin natin na palakasin ang BRP Sierra Madre dahil kung wala ang barko sa Ayungin Shoal ay tiyak na mabibigyang daan ang iligal na pagokupa ng China sa ating teritoryo.

Babala pa ng senadora, kung titigil tayo sa pagsasaayos sa BRP Sierra Madre, hindi lamang tayo nawalan ng mahalaga at strategic outpost kundi bigo rin tayong depensahan ang ating soberenya.

Facebook Comments