Napiling ambassador ng Philippine Youth Commission ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson.
Iginawad nina Gerald Ortiz, pangulo ng Kabataang Sama-samang Maglilingkod (KASAMA), at Nellie King, national adviser ng nasabing grupo kay Anderson ang nasabing titulo nitong Linggo sa Venus Hotel, Baguio City.
Pumunta din sa pagtitipon sina Senator Imee Marcos at Quirino Govenor Dakila Cua.
“I’m very honored, very proud and I’m very excited kasi merong panibagong platform para makatulong sa ibang tao,” pahayag ng aktor.
Dagdag pa ng celebrity, nakita niya ang impluwensiya ng isang artista para tumulong sa kapwa sa kasagsagan ng bagyong Ondoy noong 2009.
Matatandaang sinuong ni Anderson ang matinding ulan at lampas-taong baha upang mailigtas ang mga kababayang naapektuhan ng kalamidad.
“Mula noong araw na ‘yon, sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ang best ko, basta na sa position ako at kaya ko, para makatulong sa iba.”
Dumalo din sa ginanap na seremonyas ang mga Sangguniang Kabataan (SK) chairman at kagawad sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Si Anderson ang ikatlong personalidad na hinirang bilang ambassador ng naturang grupo. Itinalaga nila noon sa posisyon sina Kapuso star Dingdong Dantes at yumaong matinee idol na si Rico Yan.