German businessman na una nang ipinatawag ng NBI dahil sa isyu ng Wirecard fraud, patay na

Hindi na makakadalo sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang businessman na si Christopher Reinhard Bauer na una nang ipinatawag ng NBI dahil sa isyu ng Wirecard fraud.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, base sa mga opisyal na dokumentong isinumite sa NBI, patay na si Bauer noon pang July 27, 2020.

Sinasabing nasawi si Bauer sa isang ospital sa Parañaque City dahil sa natural cause at agad na na-cremate ang labi nito.


Si Bauer ang dating executive ng kumpanyang Wirecard na kabilang sa mga indibidwal na iniimbestigahan sa multi-million dollar fraud.

Una nang sinabi ng Wirecard na may nawawala silang $2.1 billion na naipadala sa ilang bangko sa Pilipinas.

Pero ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), wala namang patunay o ebedensiya na may pumasok na ganitong kalaking halaga ng pera sa mga lokal na bangko sa bansa.

Nakarating sa bansa ang isyu ng Wirecard matapos pumunta sa Pilipinas ang dating chief operating officer ng kumpanya na si Jan Marsalek noong June 23, 2020 bago lumipad patungong China kinabukasan matapos pumutok ang isyu.

Pero ayon kay Sec. Guevarra, pineke ang travel records ng pagdating nito sa bansa.

Facebook Comments