Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran bilang bagong President and Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng mga isinasagawang imbestigasyon ng umano’y korapsyon sa ahensya.
Ang appointment ni Gierran ay kasunod ng pagtanggap ni Pangulong Duterte sa resignation ni retired General Ricardo Morales dahil sa kaniyang medical condition.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ni Pangulong Duterte, sinabi ni Gierran na hindi siya nag-apply sa position dahil aminado siyang mahirap ang trabaho.
Tulad aniya ng isang sundalo, hindi siya aatras sa kanyang bagong misyon.
Pagtitiyak ni Gierran na ibabalik niya ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa PhilHealth.
Nagpasalamat din si Gierran kay Pangulong Duterte sa pribilehiyong makapagsilbi sa taumbayan.
Nagpaalala naman si Pangulong Duterte kay Gierran na ang natitirang dalawang taon ng kaniyang administrasyon ay nakatuon sa paglaban sa korapsyon.
Inatasan din ng Pangulo ang bagong PhilHealth Chief na ipakulong ang mga nasasangkot sa katiwalian.
Ipinag-utos din ni Pangulong Duterte kay Gierran na magpatupad ng balasahan sa lahat ng regional offices ng PhilHealth.
Ang mga ayaw na umalis sa kanilang pwesto ay ipatatawag aniya sa Malacañang.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na tinatapos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon hinggil sinasabing korapsyon sa PhilHealth.
Si Gierran ay nagbitiw bilang NBI director ngayong taon at pinalitan siya ni Eric Distor.
Noong 2016, isiniwalat ni Edgar Matobato, nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad (DDS) sa pagdinig ng Senate Justice and Human Rights Committee na sangkot si Gierran sa pagpaslang sa isang lalaking hinihinalang kidnapper noong 2007, bagay na itinanggi ni Gierran.