Kulang ang ginagastos ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ito ang puna ni Vice President Leni Robredo kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan to Recover As One Act.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ng Pangalawang Pangulo na bagama’t natagalan ay masaya siyang napirmahan na sa wakas ng pangulo ang Bayanihan 2.
Kung ikukumpara sa ibang bansa, napakaliit aniya ng pondong nakapaloob sa batas lalo’t isa ang Pilipinas sa may pinakamalalang sitwasyon sa harap ng pandemya.
Giit ni Robredo, dapat na mas gumagastos ang gobyerno para tulungan ang mga naapektuhan ng pandemya pero dapat tiyaking tama ang paggasta.
“Ang point natin Ka Ely, kulang yung ginagastos natin considering na grabe yung pangangailangan. Sana gumastos pa para mas maraming tao yung matulungan at sana gumastos nang tama,” ani Robredo.
Pinuna rin ng bise presidente ang mabagal na aksyon ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Inihalimbawa niya ang paglulunsad lang kahapon ng contact tracing app at pagha-hire ng karagdagang 50,000 contact tracers na aniya’y noon pa dapat ginawa.
“Syempre parating welcome na gagawin na finally, pero sana sa ibang bagay bilis-bilisan yung paggawa kasi wala tayong luxury ng oras saka panahon,” giit pa niya.
Sa kabila nito, umaasa si Robredo na magtatagumpay ang pamahalaan sa mga programa nito para ma-flatten ang COVID-19 curve.