Hindi mali ang ginagawang profiling ng Makati City Police Office sa mga transgender sa Makati.
Ito ang iginiit ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa matapos ang pahayag ng Commission on Human Rights na iniimbestigahan na nila ngayon ang profiling ng Makati Police sa mga transgender sa kanilang headquarters.
Aniya walang mali sa ginawa ng mga pulis dahil may karapatan namang tumanggi ang mga iniimbitahang indibidwal lalo’t kung hindi nila alam ang dahilan ng imbitasyon ng mga awtoridad.
Magkagayunpaman, hihingi sya ng paglilinaw sa nangyari dahil posibleng may kinalaman din sa ordinansa ng lungsod ang hakbang ng Makati Police.
Una ng nagviral sa social media ang video ng isang transgender na naglalakad sa kahabaan ng Makati Avenue kasama ang kanyang mga kaibigan ng hintuan sila ng mga pulis at imbitahang sumama sa police headquarters noong Biyernes.
Dahil dito, umani ng batikos ang Makati Police dahil maituturing umanong uri ng harassment sa mga miyembro ng LGBTQI Community ang profiling sa mga transgender.