GINAGAWANG TULAY SA MANGALDAN, HINUKAY UPANG MAKAIWAS SA BAHA

Pinalawak ang daluyan ng tubig sa ilalim ng ginagawang tulay sa Barangay Salisay, Dagupan City matapos tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog sa lugar.

Ayon sa barangay, bagaman may mga pipes sa ilalim ng tulay, masyado naman umanong masikip ang dinadaluyan ng tubig, dahilan upang bumagal ang agos nito.

Dahil dito, ang sobrang daloy ng tubig ay umaabot hanggang Barangay Anolid, na nagiging sanhi ng pagbaha sa kanilang creek.

Ayon kay Samuel Gorospe, residente at isang barangay tanod ng Anolid, hinukay ng barangay ang bahagi ng itinabong lupa upang mapalawak ang daluyan ng tubig.

Aniya, ang tubig ay umaagos mula sa mga kalapit na barangay tulad ng Buenlag, Banaoang, at Alitaya.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang proyekto upang mapigilan ang labis na pagpasok ng tubig-baha sa kanilang lugar, lalo na tuwing malalakas ang pag-ulan.

Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng naturang tulay sa buwan ng Disyembre.

Bukod sa pagpapalawak ng daluyan ng tubig, inalis din ng barangay ang mga basurang nakabara sa Payas Creek upang higit na makaiwas sa pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments