Ginang, biglang nagsilang ng sanggol ilang hakbang papuntang paanakan

(Screenshot from The Ring video footage)

FLORIDA, US – Dahil hindi na kayang humakbang pa patungong paanakan, nagpasya na ang isang babae na manganak habang nakatayo sa isang parking lot.

Nakuhanan sa video na inilabas ng The Ring noong Hunyo 19 ang nakakakabang eksena habang nakatayo si Susan Anderson kasama ng kanyang asawang si Joseph Anderson sa tapat ng Natural BirthWorks center nang biglang lumabas ang kanyang baby girl.

Kwento ni Susan sa Local 10, ramdam niya na hindi na niya kayang umabot pa sa gusali– at napaaga na nga ang paglabas ng kanyang sanggol.


Sa video, maririnig ang pagsigaw ni Susan na inaalalayan ng asawa habang nasa likuran naman ang kanyang komadrona para palabasin ang bata.

Makikita rin ang dalawang pulis na nakatayo hindi kalayuan sa kinalalagya ng tatlo.

Kahit nakasuot ng shorts ay tuloy-tuloy ang panganganak ni Susan.

Sabi naman ng komadronang si Lovaina, nang makita ang kalagayan nito ay agad na siyang naglabas ng gloves at mask para maghanda.

Samantala, tagumpay at ligtas namang naisilang ang sanggol.

Ayon kay Susan, una na niyang plano ang water birth para sa panganganak ngunit hindi raw ito natuloy, at tila may iba umanong plano ang kanyang anak.

Facebook Comments