Ginang, gumalaw sa loob ng body bag matapos ideklarang patay na dahil sa kanser

PARAGUAY, South America – Parang pangyayari lang sa mga pelikula ang kaganapan sa isang ospital matapos gumising ang 46-anyos na ginang habang nasa loob ng body bag matapos ideklarang patay na.

Sa report ng local newspaper na ABC Color, isinugod sa San Fernando Clinic noong umaga ng Sabado si Gladys Rodriguez de Duarte makaraang atakihin dahil sa ovarian cancer.

Matapos umano ang dalawang oras, ideneklara ng kanyang physician na si Dr. Heriberto Vera na binawian ito ng buhay dahil sa sakit saka iniabot ang death certificate sa kanyang asawa’t anak.


Makalipas ang ilang sandali, inilipat na ang umanoy bangkay ni de Duarte sa Hijos funeral home kung saan napansin ang paggalaw nito sa loob ng naturang body bag.

Agad umanong ibinalik sa intensive care ang ginang kung saan naiulat na siya ay kasalukuyang nasa maayos nang kondisyon.

Sa kabila nito, hindi naging maganda para sa pamilya ni de Duarte ang nangyari kaya naghabla ng reklamo laban sa physician ang asawa ng ginang na si Maximino Duarte Ferreira.

Aniya, bigla-bigla raw kasi ang deklarasyon ng doktor nang hindi man lamang sinusubukang sagipin ang buhay ng kanyang asawa.

Saad ni Ferreira, “He assumed she was dead and handed her naked to me like an animal with her death certificate. They disconnected her and passed her off to the funeral home without even trying to revive her.”

Mariin namang itinanggi ng mga doktor ng ospital ang paratang.

Sinubukan daw ni Vera na isalba ang buhay ng pasyente ngunit hindi raw ito nagtagumpay.

Sabi ng kasamahan nitong si Dr. Catalino Fabio, hindi na raw nagawang mahanap ni Vera ang pulso ng ginang.

Isa sa kanilang haka-haka ay maaari raw nagkaroon ng catalepsy si de Duarte, isang kondisyon kung saan walang kakayahang tumugon sa panlabas na “stimuli” ang katawan ng sinumang pasyente.

Samantala, naiulat naman na hindi ito ang unang kaso na nagkamali ang mga doktor sa pagdedeklarang patay na ang buhay pa namang pasyente.

Noong 2015, isang pasyente mula New York City ang inakala ring wala ng buhay matapos magbaril sa sarili at mapinsala ang ulo.

Hanggang sa nadiskubre ng awtoridad na buhay pa ito kaya agad na isinugod sa ospital kung saan pumanaw din kalaunan dahil sa tinamong mga sugat.

Facebook Comments