Ilagan City, Isabela- Nahulog sa kamay ng mga otoridad ang isang Ginang matapos matiklo sa isinagawang Entrapment Operation ng mga otoridad partikular sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay NBI Isabela Provincial Director Timoteo Rejano, kinilala ang nadakip na suspek na si Arlene Aguilar Marayag na taga San Mariano, Isabela.
Ayon kay PD Rejano, humingi ng tulong ang biktima na si Ginang Maria Victoria Baggao Gomowang na residente ng Brgy. Baculud, Ilagan City, Isabela dahil sa iligal na pagrecruit at panloloko sa kanya ng kanyang kakilala na si Arlene.
Base sa inihayag ng biktima, hinikayat siya ni suspek na magtrabaho sa ibang bansa bilang sekretarya kapalit ng isang daang libong piso (P100,000.00) para maiproseso ang kanyang mga dokumento.
Napagkasunduan ng dalawa na unti-unting babayaran ng biktima ang P100,000.00 na hinihingi ni suspek at nang makapagbigay ng down payment na P30,000.00 ang biktima sa suspek kasama ang ipinapapirmang resibo ay tumanggi umanong pumirma si Arlene.
Dito na nagkaroon ng alinlangan ang biktima at napag-alaman nito nang magtungo sa tanggapan ng POEA Tuguegarao City na hindi lisensyado ng POEA si Arlene upang mag-recruit ng workers sa ibang bansa.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong sa NBI Isabela ang biktima na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng suspek.
Ayon pa kay PD Rejano, marami nang nabiktima si Arlene sa Lalawigan ng Isabela partikular sa kanyang bayan sa San Mariano kaya’t hinimok ni Rejano ang mga nabiktima ng suspek na magsampa rin ng kaso.
Nasa kustodiya na ng NBI Isabela ang suspek at nakatakda itong sampahan ng kasong Illegal Recruitment at kasong Estafa.