Ginang, patay matapos ma-trap sa nasunog na bahay sa Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal; 3, sugatan.

Natagpuan na ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Cainta, Rizal, ang nasawing ginang na na-trap sa nasunog na bahay sa Brookside Subdivision, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal.

Hindi pa muna sa ngayon, pinangalanan ng BFP ang pagkakailanlan ng ginang na natabunan ng mga yero at kahoy dahil wala pang basbas ng pamilya.

Nag-collapse kasi ang ikalawang palapag ng bahay kung saan siya natutulog sa kasagsagan ng sunog.


Sa ngayon, SOCO na lang ang hinihintay para mailabas ang katawan ng biktima.

3 naman ang nasugatan sa naganap na sunog kasama ang dalawang bata.

Sila ay dinala na sa ospital para lapatan ng paunang lunas.

Nabatid na pasado alas-3 ng madaling araw nang magsimula ang sunog at alas-3:45 naman ng madaling araw naaapula ang sunog na umabot sa unang alarma.

Posible umanong sinindihang kandila ang pinagmulam ng sunog.

Galing kasi sa lamay ang pamilya ayon sa katiwala ng bahay at nagtirik ng kandila.

Gayunman, iniimbestigahan pa ng BFP ang lahat ng angulo.

Samantala, hindi naman nadamay sa sunog ang Sacred Heart Catholic school na katabi lang nang bahay na nasunog.

Facebook Comments