Nahaharap sa kasong arson ang isang ginang sa US, matapos silaban ang sasakyan ng kanyang asawa dahil umano marumi at may sirang gulong.
Nagsimula ng apoy si Stephanie Carlson, 40, sa parking lot ng Walmart sa Ohio noong Nob. 16, ayon sa ulat ng WFMJ.
Makikita sa security footage na mayroon nang lumalabas na usok sa kotse bago ito buhusan ni Carlson ng gasolina na sanhi ng pagliyab nito.
Ayon sa mga rumespondeng pulis, kapansin-pansin ang kakaibang kinikilos ng ginang.
Unang ikinatwiran ni Carlson na nagsimula ang apoy sa sinindihan niyang kandila para maalis umano ang amoy gasolina sa loob ng kotse.
Ngunit sa huli, inamin nitong binuhusan niya ng gasolina ang upuan ng sasakyan at sinindihan gamit ang lighter.
Ginawa niya raw ito dahil marumi ang sasakyan at sira ang mga gulong nito sa harapan.
Nakuha sa kanyang pitaka ang lighter at mothballs at sinabi rin ng mga pulis na amoy gasolina ang damit ni Carlson.
Napag-alamang ang kotse ay pagmamay-ari ng mister ni Carlson na buong araw na raw siyang pinaghahahanap.
Sinabi rin umano ng mister sa pulis na humihithit si Carlson ng paint thinner pati na ang mothballs na natagpuan sa kanya.
Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente, ngunit nag-iwan ito ng pinsala sa parking lot.